Muling maghihigpit ang Cauayan City Police Station sa mga inilatag na alituntunin habang nakasailalim sa General Community Quarantine GCQ Bubble set-up ang lunsod.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PLT. Scarlette Topinio, ang tagapagsalita ng PNP Cauayan, sinimulan na ngayong araw ang pagbabantay ng mga otoridad sa mga border checkpoint ng lunsod na nakalatag sa Brgy. Alinam, Tagaran, San Fermin, District 3 at Alicaocao.
Aniya, mahigpit na binabantayan ang mga motoristang papasok sa lunsod kung saan kinakailangang magprisinta ang mga ito ng Valid Identification card o Certificate of Employment na nagpapatunay na nagtatrabaho sa lunsod.

Dagdag pa nito, pinapayagan naman ng mga otoridad ang mga by passers o dadaan lamang sa lunsod ngunit kinakailangang linawin umano ang pupuntahan dahil mahigpit din ang pagpapatrol ng apprehension team sa población area upang tiyaking walang makakalusot.
Nilinaw naman ni PLt. Topinio na ang ending ng plate number ang sinusunod sa umiiral na coding scheme habang pinapayagan pa rin ang angkas sa lunsod.
Samantala, aniya mahigpit ding babantayan ang curfew hours mula alas 9:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng umaga at liquor ban.
Hinikayat naman nito ang kooperasyon ng publiko sa mga umiiral na alituntunin sa ilalim ng GCQ bubble set-up upang maiwasang mabigyan ng karampatang penalty at bilang aksiyon ng bawat isa sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lunsod.