PNP HPG naglagay ng Community Pantry sa terminal para sa mga driver at konduktor

CAMARINES NORTE- Naglagay ng isang Community Pantry ang PNP Highway Patrol Group (HPG) sa isang terminal dito sa bayan ng Daet para sa mga driver at konduktor nitong Lunes.

Bigas, pansit, instant noodles, de lata, asukal, itlog at iba’t- ibang klase ng gulay ang naipamahagi sa mga driver at konduktor sa JB terminal na kahit papaano ay malaking tulong na rin sa kanila ngayong mahirap ang buhay.

Ang naturang inisyatiba ng HPG sa pamumuno ni PMAJ Joselito Quila ,Provincial Officer ay tinawag na BarangyaNIHAN sa kalsada.

Galing ito sa mga naipong donasyon mula sa mga nagmagandang loob na maisakatuparan ang kauna- una- unahang Community Pantry ng tinaguriang “Guardians of the Highway”.

Pero bago ito ay halos dalawang linggo na ring  inilunsad ang Community Pantry ng iba’t- ibang Municipal Police Station sa lalawigan na umabot na rin sa mga barangay.

Matatandaang nagsimula ang mga Community Pantries sa National Capital Region (NCR), ang tinaguriang epicenter ng COVID- 19 pandemic para tulungan ang mga naghihirap na Pilipino na maitawid ang kanilang pang- araw- araw na pangangailangan.

Ang diwa ng bayanihan  spirit na nagsimulang umusbong sa isang maliit na community pantry ay lumaganap na ngayon sa buong bansa.

Ipinapaalala naman ang mahigpit na pagsunod sa health protocols para makaiwas sa sakit.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *