PNP, iniimbestigahan ang SWAT Batangas sa Pasig City

Batangas City –

Pinaiimbestigahan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., sa Philippine National Police (PNP) ang umano’y presensya ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) Batangas sa isang pribadong event sa Pasig City kamakailan.

Sa pahayag ni Abalos  sinabi nito na mayroong nakarating sa kanyang impormasyon hinggil sa presensya ng SWAT team mula sa Batangas sa isang soft launching ng isang networking company sa nasabing lungsod.

Ayon kay Abalos batay sa mga litrato ay naka uniporme pa ang mga SWAT at bitbit pa nila ang kanilang mga baril.

Gayunman, hindi malinaw sa pahayag ni Abalos kung anong partikular na event ito at kung bakit may presensya ng SWAT sa lugar.

Inaasahan naman ni Abalos na agad itong iimbestigahan ng PNP at sa lalong madaling panahon ay makakakuha siya ng ulat hinggil dito.

Tiniyak din ng kalihim na hindi niya kukunsintihin ang deployment ng mga aktibong pulis sa mga private event kasama na ang pagiging private escort.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *