CAMARINES NORTE- Puspusan ngayon ang pagkilos ng kapulisan sa lalawigan ng Camarines Norte upang mapigilan ang galaw ng mga rebeldeng New People’s Army.
Nais ng PNP na limitahan ang galaw at hadlangan ang planong recruitment ng CPP/ NPA/ NDF sa buong Camarines Norte at sa unang distrito ng Camarines Sur.
Kaya naman sa bayan ng Capalonga ay nagsagawa ng pagpupulong at ugnayang pambarangay ang mga kapulisan sa pamumuno ni PMAJ Herculano Mago Jr kahapon ng umaga na ginanap sa Rural Health Unit sa Barangay Ubang.
Kasama ng PNP ang Municipal Local Government Operations Operations Officer (MLGOO) sa naturang pagpupulong na pinangunahan ng 9th Infantry “SANDIGAN” Battalion.
Ang nasabing pagpupulong ay ilan sa mga hakbang upang pagtibayin ang ugnayan sa pagitan ng lokal na pamahalaan, kasundaluhan, kapulisan at mamamayan sa naturang bayan.
Kasabay din nito ay ang patuloy na panghinihikayat ng nasabing programa na sumuko ang mga miyembro ng maka-kaliwang grupo at tangkilikin ang programang E-CLIP ng pamahalaan.
Hindi rin daw titigil ang kapulisan sa lalawigan sa pagbibigay ng mga tulong at tamang impormasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa probinsiya.