PNP, wala pa ring namo-monitor na papalit kay Joma Sison

Wala pa rin umanong malinaw na kapalit ang founder at chairperson ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Jose Maria ‘Joma’ Sison – mag-iisang buwan na ang nakalipas mula nang ito ay pumanaw.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Philippine National Police chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na wala pang tiyak na hahalili sa posisyong iniwan ni Sison sa grupo.

Sa ngayon, ang nakikita raw nila ay ang patuloy na ‘communicaiton breakdown’ sa sangay ng mga makakaliwang grupo.

Dahil dito, naniniwala ang PNP chief na maganda itong oportunidad para samantalahin ng mga otoridad ang pagwakas sa deka-dekadang insurhensiya ng grupo.

Samantala, iniulat din ni Azurin na mula nang pumanaw si Sison – wala na silang naitalang mga pag-atake o atrocities ng mga miyembro ng CPP at ang kanilang armadong sangay na New People’s Army (NPA).

Bago ang pulong balitaan kanina – una nang sinabi ng PNP na posibleng nasa tatlo hanggang limang personalidad ang maaaring pumalit bilang lider ng CPP-NPA.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *