BINIGYANG diin ni Pope Francis na bukas ang Simbahang Katolika sa lahat ng uri ng kasarian at tungkulin umano ng mga kawani ng simbahan na gabayan ang mga ito sakanilang pananampalataya at ispiritualidad.
Iyan ang inihayag ng Santo Papa sa isang panayam kasama ang mga mamamahayag sa loob ng papa’l plane habang pauwi mula sa selebrasyon ng World Youth Day sa Portugal.
Ayon sa pinakamataas na lider ng simbahang katolika, kabilang ang LGBTQIA plus community sa bukas palad na tanggap ng simbahan ngunit may ilan umanong sakramento at patakaran na maaaring hindi akma sa mga ito kagaya na lamang ng sakramento ng ‘kasal’ kahalintulad rin ng hindi pagpapahintulot sa mga kababaihan na maging isang pari.
Ganunpaman, sinabi ni Pope Francis na hindi ito dahilan para pagbawalan ang mga ito sakanilang pananampalataya ngunit sa halip ay dapat gabayan, unawain at mahalin kagaya ng pagmamahal ng isang ina.
Sakabilang banda, tila nasa maayos na ring kalagayan ang Santo Papa matapos ang operasyon sakanyang abdominal hernia nitong nakaraang buwan ng Hunyo.### JUMEL DELA ROSA