CAMARINES NORTE- Pinangangambahan ng Department of Health (DOH) ang posibleng pagkakaroon ng outbreak ng Tigdas at Polio sa Bicol Region dahil sa mababang vaccination coverage.
Sa kaniyang mensahe sa launching ng Measles Rubella Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR OPV SIA) 2023 kaninang umaga na ginanap sa Camarines Norte Provincial Capitol dito Daet, sinabi ni Regional Director Ernie Vera na kinakabahan sila na magkaroon ng outbreak ng naturang sakit kung hindi lalawak ang vaccination coverage.
Ang mas kinatatakutan umano ng departamento ay ang pagtaas ng muli ng kaso ng Polio lalo’t nagdudulot ito ng kumplikasyon sa bata.
Nangangamba rin si Vera na magkaroon ng “double burden disease” lalo’t bukod sa mga nabanggit na sakit ay tumataas na namang muli ang mga naitatalang kaso ng COVID- 19 sa rehiyon.
Kaya naman pursigido umano ang DOH na mapalawak ang bakunahan kontra Tigdas, Tigdas hangin at Polio lalo na ngayong buong buwan ng Mayo.
Hinikayat ni Vera ang lahat na makiisa sa kampanya ng ahensiya dahil importante aniya ang pagkakaroon ng whole of province approach.
Naghahabol umano ngayon ang DOH sa Measles, Rubella at Polio vaccination makaraang maantala ng dalawang taon dahil sa COVID- 19 pandemic.
Nagpasalamat naman si Vera sa kooperasyon ng mga LGU lalo na ng Provincial Government.
Pinangunahan mismo ni Governor Ricarte “Dong” Padilla ang MR OPV SIA launching.
Nagsimula na rin ng malawakang bakunahan ang mga vaccinator sa iba’t- ibang LGU.
