LEGAZPI CITY – Nagtipun-tipon kahapon ang mga tagasuporta ni dating Albay Governor Noel Rosal na mula sa unang distrito ng Albay upang magsagawa ng prayer rally sa lunsod ng Legazpi.
Ang mga tagasuporta ay nagmula pa sa bayan ng Tiwi, Malinao, Malilipot, Tabaco City, Bacacay at Sto. Domingo upang ipakita ang kanilang suporta at pagmamahal sa dating gobernador.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Abier Bonafe, kapitan ng Brgy. 1, Poblacion, Malilipot, sinabi nito na mayroong imbitasyon sa kanila at nakipagkoordinasyon na kung maaari ay sumama sila sa gagawing rally mula sa kanilang barangay.
Ayon pa kay Bonafe, umaasa sila na sana’y makabalik pa sa pwesto si Rosal, kung kaya’t umaapela ito sa Korte Suprema na maaaksyunan ang disqualification case nito.
Aniya, sa oras na hindi mailabas ang desisyon sa korte ay parang nabalewala umano ang kanilang pagpili at ibinoto nitong nagdaang eleksyon.
Nilinaw din nito na kusa silang pumunta sa nasabing aktibidad at walang nangyaring bayaran ng bawat suporter na sasama sa prayer rally.