Nagbabala si House Ways and Means Committee Chairman at Albay Second District Representative Joey Salceda sa mga banta na maaaring magpataas muli sa inflation rate ng bansa.

Ayon kay Salceda, bagama’t nakikitang huhupa na ang inflation ngayong buwan mula sa naitalang 6.1 percent nitong Setyembre ay dapat pa ring bantayan ang presyo ng pagkain.
Inaasahan kasi ang “bonus season” ng mga manggagawa ngayong ber months na maituturing aniyang inflationary ngunit maaari itong makontrol kung sapat ang suplay.
Sinang-ayunan din ni Salceda ang pagbawi ni Pangulong Bongbong Marcos sa price cap sa bigas dahil bumubuti na ang global at local conditions.
Punti nito, walang ibang alternatibo sa pagpapataas ng produksyon ng bigas at nasa “improvable levels” pa rin naman ito.
Maging ang pagsipa ng presyo ng langis sa world market ay naabot na umano ang sukdulan kaya sa mga susunod na linggo ay posibleng bumaba na sa 70 hanggang 80 US Dollars ang kada bariles ng krudo.