CAMARINES NORTE – Nakatakdang humarap sa Sangguniang Bayan sa Lunes, September 18 ang isang pribadong kumpanya na nagpahayag ng intensyon na mag operate ng Level II Water Distribution System sa bayan ng Basud, Camarines Norte.
Kasunod yan ng kahilingan ni Mayor Adrian Davoco sa konseho na magpasa ng resolusyong “interposing no objection” sa pagpasok ng Hanabana Construction and Equipment Corporation para mag operate ng water distribution sa mga lugar na hindi pa naabot ng Camarines Norte Water District at Primewater.
Nais ng SB na malaman ang plano ng kumpanya kaugnay sa pagnanais nito na pumasok sa naturang bayan para mag- operate ng water system.
Mababatid na marami pa ring Barangay sa naturang bayan ang hindi pa rin naabot ng serbisyong patubig ng CNWD/Primewater.
Matatandaan na noong Hunyo ay nakipagpulong ang mga kinatawan ng kumpanya kay Governor Ricarte “Dong” Padilla kaugnay sa naisin ng huli magkaroon ng access sa malinis na inuming tubig lalo na ang mga residente ng malalayong barangay.
Sa facebook post ng Gobernador, sinabi niya na marami pa ring kabahayan lalo na sa mga malalayong barangay na wala pa ring access sa malinis na inuming tubig kaya inimbitahan umano niya ang kumpanya para talakayin ang hinggil sa bagay na ito kasama ang local water service provider.
