Primewater ayaw munang magkomento kaugnay sa inilabas na injunction ng korte na nagpapatigil sa paniningil ng 20 % water rate increase

CAMARINES NORTE- Hindi muna nagbigay ng komento ang Primewater Infrastructure Corporation hinggil sa inilabas na preliminary injunction ng korte na nagpapatigil sa implementasyon ng 20 % water rate increase.

Ito ay makaraang subukan ng Brigada News FM Daet na kunin ang panig ng kumpanya.

Sa maikling mensahe sa Brigada News FM Daet sinabi ni Branch Manager Engr. Mark Anthony Muroda na sa ngayon ay pinagbawalan muna umano silang magkomento ng kanilang legal team hinggil sa isyu dahil na sa korte ang usapin.

Mababatid na pinagbigyan ng korte ang hirit na preliminary injunction ng mga petitioner na ipatigil ang dagdag na singil sa taripa sa tubig na sinimulang ipatupad ng Primewater Hunyo ng nakaraang taon.

Kung maalala ay naghain ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan na tumututol sa water rate increase dahil sa hindi umano pagsunod sa proseso ng Primewater lalo na ang kawalan ng public hearing na ginawa dito sa lalawigan.

Una na ring inihayag ng Primewater na bagamat inirerespeto umano nito ang naging hakbang ng Provincial Government at consumers group na dumulog sa korte para ipatigil ang water rate increase pero nanindigan itong sinunod ng kumpanya ang mga procedure at wala silang nilalabag na batas.

Nakahanda rin daw tumalima ang kumpanya sa kung ano ang magiging pinal na desisyon ng korte ukol sa isyu pero sa ngayon ay masyado pa umanong premature para ito pag- usapan.

Tiniyak rin ng villar-owned company na hindi makakaapekto ang kasalukuyang usaping legal sa partnership nila ng Provincial Government sa mga ilalatag na proyekto.

Matatandaan na inaprobahan ng National Water Resources Board (NWRB) ang aplikasyon ng kumpanya na water rate increase bagay na hindi naman kinikilala ng Local Water Utilities Administration o Luwa na siyang may hurisdiksyon  umano sa mga water district.

Pero iginigiit ng kumpanya na wala nang hurisdiksyon ang LUWA  sa kanila dahil kapag nakipag -joint venture ang water district sa isang pribadong kumpanya ay sakop na ito ng NWRB alinsunod naman umano sa Office of the Government Corporate Counsel (OGCC).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *