CAMARINES NORTE- Plano ngayon ng Philippine National Police na maglunsad ng programa sa bayan ng Basud, Camarines Norte kontra teenage pregnancy.
Ito ang inihayag ni Police Major Eva Guiruela, hepe ng Basud Municipal Police Station sa isinagawang pagpupulong ng Municipal Advisory Council for Police Transformation and Development (MAGPTD) nito lang nakaraang linggo.
Ito umano ay gagawin sa ikalawang quarter ng taon kung saan ang mga participants ay ang mga estudyante sa sekundarya.
Kabilang sa mga target na maging resource person ay mula sa Provincial Prosecutor’s Office na humahawak sa mga women’s and children related cases, Commission on Population and Development (PopCom) at mula sa Rural Health Unit.
Una nang nagpahayag ng pagkabahala ang PopCom sa pagtaas ng bilang ng mga kabataang nagbubuntis sa bansa na nasa pagitan 10 hanggang 14 na taong gulang.
Sa kabila yan ng pagbaba ng teenage pregnancies sa mga kabataang Pilipino na may edad 15 hanggang 19 anyos.
Sa datos ng Civil Registry of Statistics system ng Philippines Statistics Authority (PSA), nasa 2,113 births ang naitala mula sa naturang age group noong 2020.
Ayon naman sa Field Health Service Information System ng Department of Health (DOH), mayroong 2,534 young Filipinas edad sampu hanggang katorse anyos ang nanganak noong 2020,pero bumaba ang naturang bilang sa 2,299 noong 2021.
Nais naman ni Mayor Adrian Davoco, Chairman ng MAGPTD na isama sa aktibidad ang pagpapaliwanag tunggol sa statutory rape.
Sa ilalim ng Republic Act 11648 na isinabatas Marso noong nakaraang taon, itinaas ang edad ng sexual consent mula 12 hanggang 16 na taong gulang.
Dahil dito awtomatikong magiging statutory rape ang krimen ng mga nasa wastong gulang na makikipagtalik sa mga batang 15 anyos pababa.
Layon ng batas na protektahan ang mga bata sa panggagahasa at sexual exploitation ng mga nakatatanda.
Sa statutory rape, panggagahasa agad kung ituring ng batas ang pakikipagtalik sa mga wala pa sa age of sexual consent kahit na pumayag pa ang menor de edad.
Ang krimen ng rape ay karaniwang may parusang reclucion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong.
