Humingi ng paumanhin ang Philippine Statistics Authority (PSA) dahil sa “technical difficulties” na naranasan ng mga registrants sa unang araw ng online registration para sa National ID.
Paliwanag ng statistics agency, nakatanggap sila ng mahigit 40,000 registration requests sa unang minuto sa pilot launch ng PhilSys online Step 1 Registration.
Dahil dito, ito umano ay nagdulot ng delays sa pagpapadala ng one time passwords (OTPs) na kinakailangan para maipagpatuloy ang registration.
Tiniyak naman ng PSA na agad nilang hinahanapan ng solusyon ang isyu at ina-update na ang kanilang website para maresolba ang technical challenge.
Mababatid na sa ilalim ng Step 1, kukunin ng PSA ang 10 demographic information gaya ng pangalan, gender, birthplace at birth date, blood type, address, citizenship, marital status, cellphone number, at email address – mula sa targeted registrants, habang sa Step 2 ay kukunin naman ang biometric information gaya ng iris scan, fingerprints, at photograph sa mga PhilSys registration centers. // MHEL PACIA