PSA-Sorsogon, kinilala ang suporta ng lungsod at mga bayan sa CBMS

Malaki umano ang ibinibigay na suporta ng lungsod at 14 na bayan sa lalawigan sa Community Based Monitoring System o CBMS.

Ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA- Sorsogon, halos 100% umano ang naging tugon ng mga bayan at lungsod sa CBMS. 

Aniya sa katunayan, karamihan sa mga bayan at lungsod ng Sorsogon ay sila mismo ang naglaan ng pondo para sa mga gadgets na ginamit sa monitoring sa kanilang mga lugar.

Meron din umanong mga bayan ang nagbahagi ng kanilang pondo katuwang ang PSA sa pagbili ng mga gadgets.

Nanawagan naman ang PSA sa mga indibidwal na magpa-interview sa kanilang mga enumerators dahil ang datos na makukuha sa mga ito ay isa sa mga kailangan ng pamahalaan para makabuo ng kongkreto,  tama at maayos na mga polisiya at mga programa sa mga barangay.

Binigyang diin ng PSA na walang dapat na ikabahala ang mga mamamayan sa mga personal na impormasyon na kanilang ibibigay dahil hindi aniya ito gagamitin para siraan ang isang tao, ito umano ay protektado ng privacy law ng bansa.

Ang CBMS ay tumutukoy sa isang organisadong sistema ng pagkuha ng mga impormasyon ng mga sambahayan na naglalayon na maiangat ang buhay ng mga Pilipino mula sa kahirapan.

Ang CBMS ay makapagbibigay sa mga lokal na pamahalaan ng mga impormasyong makakatulong sa kanila na bumuo ng mga angkop na polisiya sa kanilang kinasasakupan.

Ang datos ng CBMS ay magsisilbi ring gabay sa kanila sa pagpaplano upang makasiguro na sila ay magkaroon ng komprehensibong pagsusuri sa iba’t ibang isyu gaya ng kahirapan at makabuo ng mga naaayong interbensyon para dito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *