Pulang sibuyas – sumipa na sa P500/kilo; DA, walang planong mag-angkat

Muling umaray ang mga konsyumer sa pagpalo sa P500 kada kilo ng pulang sibuyas sa isang palengke sa Cubao, Quezon City.

Ayon sa mga tindera sa palengke, wala na silang makuhanan ng murang sibuyas sa Divisoria, dahilan upang tumaas din ang presyo ng kanilang itinitinda.

Mayroon naman daw na mas mababang presyo ng pulang sibuyas, o yung naglalaro sa P400 hanggang P450 kada kilo, ngunit hindi na kagandahan ang kalidad.

Dahil dito, hindi na kinakaya pang magtinda ng mga vegetable vendors dahil maging mga mamimili ay nagrereklamo na rin. // SMM

DA, hindi mag-aangkat

Hindi umano ikinokonsidera ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng sibuyas, ito ay kahit pa nananatiling kokonti ang suplay ng sibuyas sa bansa at patuloy ang pagtaas ng presyo.

Ito ang sinabi ni DA deputy spokesperson Rex Estoperez kasabay ng kanyang pagkumpirma na pumalo na sa P500 ang presyo ng sibuyas sa ilang mga pamilihan.

Sa Laging Handa Public Briefing, ipinunto ni Estoperez, malapit na rin naman ang harvest season o panahon ng pag-aani ng mga sibuyas kung kaya’t hindi nila nakikita na mag-iimport nito ang bansa.

Kaugnay nito, hindi pa rin masabi ng DA kung kailan posibleng bumaba ang presyo ng sibuyas.

Aniya, ang presyo ay ang siyang nagdidikta sa supply at demand, kung kaya’t kung mahina raw ang supply, tataas talaga ang presyo nito.

Samantala, inamin naman ni Estoperez na nahihirapan silang ipatupad ang nakatakdang SRP o suggested retail price sa sibuyas dahil kung didiktahan daw ang mga magtitinda ay mataas naman aniya ang tyansa na wala nang magbenta nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *