Pulis na may kickback sa loteng, tiklo sa Batangas

Arestado sa operasyon ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group o PNP-IMEG ang Deputy Chief-of-Police ng Balayan Municipal Police Station dahil sa ‘di umano’y pangingikil sa operasyon ng number game o ‘loteng’.

Ayon kay PNP-IMEG acting dir. Brig. Gen. Warren de Leon, kinilala ang arestadong opiyal na si Capt. Ruben Marilag.

Tiklo ito sa pamamagitan ng isang entrapment operation.

Nag-ugat umano ito sa reklamo ng isang loteng operator dahil nangongolekta umano si Marilag ng payola o lagay.

Ang siste – nanghihingi ang pulis ng P2,000 payola kada linggo kahit na huminto na ang number games ng nagreklamo.

Sa ngayon, nahaharap na si Marilag sa kasong robbery-extortion at mananatili sa kustodiya ng IMEG sa Kampo Krame.

Nagbabala naman ang mga otoridad na ‘wag nang tularan ang mga ganitong modus ng mga pulis dahil tiyak ay mapananagot din ang mga ito.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published.