Pulis pinagbabaril-patay ang kanyang mag-ina sa Virac, Catanduanes

BNFM BICOL—Patay ang buong mag-anak sa bayan ng Virac, Catanduanes matapos na mauwi sa pamamaril ng padre de pamilya ang kanilang pagtatalo ng kanyang may bahay pasado ala 1:00 ng madaling araw ngayong Sabado, January 15.

Batay sa ulat ng Catanduanes Police Provincial Office, wala ng buhay at naliligo sakani-kanilang sariling dugo nang kanilang madatnan ang suspek at ang asawa nito pati ang kanilang menor de edad na anak sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Hawan Ilaya nasabing bayan.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng mga otoridad na galing umano sa inuman ang suspek na nakilalang si alyas “Jay” 25-anyos aktibong miyembro ng Philippine National Police.

Nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang suspek at ang asawa nitong si alyas “Joy” 28-anyos, hanggang sa ito ay nauwi sa pagbunot ng baril ng suspek saka pinaputukan sa ulo ang kanyang misis.

Tumagos umano ang bala sa katawan ng ina kaya’t tinamaan din ang 3-taong gulang nitong anak na nagkataong karga nito nang mangyari ang krimen.

Sinubukan pa sanang dalhin sa pagamutan ng mga rumespondeng otoridad ang bata upang ma revive ngunit idineklara itong ‘dead on arrival.’

Matapos magawa ang krimen, nagpatiwakal naman ang pulis at  nagbaril sa ulo gamit ang kanyang service firearm.

Sa inisyal na impormasyon, selos ang tinitingnang anggulo ngayon ng kapulisan kung kaya’t nagawa ng suspek ang pamamaslang sakanyang sariling pamilya ngunit patuloy pang isinasagawa ang mas malalim na imbestigasyon sa naturang insidente.

Nagpahayag naman ng pakikiramay at pagkalungkot ang pamunuan ng Catanduanes PPO sa pangyayari habang ipinaalala nito sa hanay ng kapulisan na maging responsable sa paggamit ng baril.

Ilang interbensyon din ang umano ang isasagawa ng pamunuan kaugnay ng naturang insidente.###

Leave a Reply

Your email address will not be published.