QCPD, nais makausap ang mga militanteng grupo bago ang SONA ng Pangulo para masiguro na magiging payapa ang aktibidad sa July 22

Upang masiguro na magiging payapa ang ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa July 22, nais ng Quezon City Police Distict na makausap ang mga militanteng grupo na magkakasa ng kilos protesta bago ang SONA.

Ayon kay QCPD Director Brigadier General Redrico Maranan, nais nilang malaman ang plano ng mga raliyista at ipaliwanag naman sa mga ito ang mga panuntunan para masiguro ang kaayusan lalo na sa daloy ng trapiko.

Dagdag pa ni Maranan, makikipag ugnayan sila sa MMDA at Traffic and Transport Management Department ng Quezon City para matiyak na hindi mapeperwisyo ang mga motorista.

Una nang inihayag ng QC Public Order and Safety Department na wala pa silang natatanggap na request para sa permit sa rally kasabay ng paninindigan na hindi papayagan ang mga raliyista malapit sa Batasan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *