Rank No 6 Municipal Most Wanted Person sa bayan ng Paracale na akusado sa kasong rape arestado sa San Mateo, Rizal

CAMARINES NORTE- Napasakamay na ng mga awtoridad ang ika- anim sa listahan ng Municipal Most Wanted Person sa bayan ng Paracale, Camarines Norte makaraan ang sampung taon nitong pagtatago sa batas.

Ang akusado na nakilalang si Ronilo Nano y De Mesa 48, ay naaresto ng mga operatiba ng Paracale Municipal Police Station nitong Miyerkules sa AFP Housing, Barangay Silangan, San Mateo, Rizal.

Ginawa ng mga awtoridad ang pag aresto kay Nano sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng hukuman dahil sa kasong Rape in relation to RA 7610 o Child abuse.

Ayon sa PNP, nangyari ang pangagahasa noong Hulyo 2009 at Abril 2011 sa bayan ng Paracale.

Nasa kustodiya na ngayon ng Paracale MPS si Nano para sa kaukulang disposisyon at wala ring inirekomendang piyansa ang hukuman.

Pinuri naman ni PRO5 Regional Director PBGen Jonnel Estomo ang Paracale MPS sa pagkaka aresto sa akusado.

Ayon kay Estomo, patuloy ang gagawing Manhunt Charlie operations ng PNP Bicol laban sa mga nagtatago sa batas kahit saan pa mang lugar aniya ang mga ito magtago.

Binigyang diin naman ni Camarines Norte PNP Provincial Director PCol Julius Guadamor na walang puwang dito sa probinsiya ang mga taong masasamang loob na nagbabalak magsamantala sa kahinaan ng mga kababaihan at kabataan.

(photo courtesy: CNPPO )

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *