Isinusulong ni 4Ps Party-list Representative JC Abalos ang panukalang batas na magbibigay ng proteksyon sa mga biktima ng rape na sapilitang ipinakakasal.

Batay sa House Bill Number 9083, tatanggalin ang “forgiveness clause” sa ilalim ng Section 266-C ng Anti-Rape Law of 1997 kung saan napagkakalooban ng pardon ang rapist kapag ikinakasal sa biktima.
Aamiyendahan din ang Family Code o Executive Order Number 209 upang idagdag ang rape bilang basis for annulment at period of prescription na nakasaad sa Articles 45 at 47.
Ipinaliwanag ni Abalos na magkakaroon ng pabor na panahon sa rape victim para maghain ng annulment lalo’t nahihirapan silang maiparating ang boses at hinaing.
Bagama’t capital punishment ang ipinapataw laban sa suspek, pinahihintulutan aniya ng batas na makaiwas ito sa pananagutan sa pamamagitan ng pamimilit na maikasal sa biktima.
Giit pa ng kongresista, dahil sa kulturang Pilipino na “pagbabangong-puri” ay pinaniniwalaang makakaranas ng kahihiyan ang biktima kaya upang mapanatili ang dignidad nito at ng kanyang pamilya ay nagpapakasal na lang.
Nagiging inconsistent umano sa batas ang “forgiveness clause” at hindi tumutugma sa rape bilang isang public crime.