Ratio na One TV One Classroom, malapit nang maisakatuparan – City DepEd

Malapit nang maisakatuparan ang mithiin ng Deped Sorsogon City Division na magkaroon ng sariling telebisyon ang mga classroom sa lahat ng paaralan sa lungsod.

Sa panayam ng Brigada News kay School’s Division Superintendent William Gando, sinabi nito na malapit na umanong maisakatuparan ang nasabing adhikain, patunay ang kaunti na lamang na mga paaralan ang walang TV.

Ayon pa dito, kabilang sa mga paaralan na mayroon nang telebisyon ang bawat classroom ay ang Bacon East Central School at Bacon West Central School habang ilang mga paaralan na lamang kabilang na ang Sorsogon Pilot Elementary School at Sorsogon East Central School ang hindi pa kompleto.

Anya pa, isang rason sa pagkamit ng nasabing layunin ang “sense of volunteerism” at dedikasyon ng bawat guro dahil ang ilan sa mga ito ay sarili nilang pera ang ginagamit para sa pagbili ng ilang kagamitan at teknolohiya para sa kanilang pagtuturo.

Mababatid na ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa sistema ng edukasyon sa lungsod ay layunin ng LEGACY Program o Lasting, Empowering, Great Achievements for the City’s Youth na binuo ng Deped Sorsogon City Division.

Samantala, maliban sa telebisyon ay namahagi din ang DepEd Sorsogon City ng mga tablets sa ilang mga estudyante sa lungsod  kaugnay pa rin sa pagpapatibay ng sistemang edukasyon gamit ang teknolohiya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *