Region 2, nasa high epidemic risk classification pa rin

Nasa high epidemic risk classification pa rin ang buong Region 2 matapos maitala ang pinakamataas na positivity rate ng COVID-19 sa rehiyon kung saan umabot ito sa 31.1%.

Ito ang kinumpirma sa ibinahaging pahayag ni Dr. Nica Taloma, Head ng Collaborating Center for Disease Control and Prevention ng DOH-RO2 sa ika-25th na episode ng UP-UP Cagayan Valley.

Aniya, sa lahat umano ng sumasailalim sa RT-PCR at Antigen test ay nasa 31.1% ang nagpopositibo.

Kaugnay dito, nasa 1.2 na umano ang reproduction number ng rehiyon kung saan sa bawat isang nagpositibo ay maari itong makahawa ng isa o higit pa.

Ayon pa kay Dr. Taloma, batay sa datos ng DOH-RO2 noong September 2, 2021, karamihan umano sa mga naitalang bagong kaso ay mula sa sektor ng kababaihan kung saan pinaka-apektadong age group ang 20-29 anyos.

Karamihan din aniya sa mga nagpopositibo ay local case na nangangahulugang nakukuha ang virus sa komunidad kung saan 7% rito o katumbas ng 63 indibidwal ay mga health care workers.

Samantala, ibinahagi rin ni Dr. Taloma ang tatlong siyudad sa rehiyon na may pinakamataas na cumulative COVID cases.

Ito ay kinabibilangan ng Tuguegarao City na may 11,530; pumangalawa ang Santiago City na may 4,703; habang pumangatlo naman ang Cauayan City na mayroong 2,932.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *