Regional high value target, patay matapos umanong manlaban sa drug buy-bust operation sa Nabua, Camarines Sur; p-1.2m halaga ng shabu, narekober

NAGA CITY—Patay nang manlaban umano sa mga pulis ang suspek sa ikinasang drug buy-bust operation sa Nabua, Camarines Sur.

Kinilala ang nasawing suspek na si Ramon Patiga y Baylon, nasa tamang edad, may asawa, residente ng Barangay Santiago Young.

Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay PLTCOL Paul De Mesa Cabug, OIC ng Nabua MPS, dakong alas-3:50 ng madaling araw kahapon nang isagawa ang operasyon sa Barangay Sta. Elena Baras sa pinag-isang pwersa ng Nabua MPS, PNP Provincial Drug Enforcement Unit, Camarines Sur Provincial Mobile Force Company, 501st Regional Mobile Force Battalion at ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Regional Office 5. Matapos aniya na magkabayaran ay agad na isinagawa ng poseur buyer ang pre-arranged signal bilang hudyat na tapos na ang transakyon subalit biglang nakatunog ang suspek na si Patiga na agad aniyang bumunot ng baril saka pinaputukan ang mga nakaabang na operatiba. Dito na sinawimpalad si Patiga matapos gumanti ng putok ang mga awtoridad. Naisugod pa sana ito sa ospital subalit ideneklara itong dead on arrival.

Narekober sa lugar ang kalibre 45 baril na ginamit sa pagpapaputok ng suspek habang nasa 100 gramo naman ng shabu ang narekober sa operasyon na may kabuuang halaga na aabot sa tinatayang P1.2M.

Si Patiga ay dati na palang nakulong at nakalaya noong 2018 dahil sa iligal na droga at ngayon siya ay ikinokonsidera bilang Regional High Value Target ng Pulisya.

Sa kanila ring monitoring sa transaksyon ng suspek, lumalabas na hindi lang sa Nabua ito bumabagsak ng ipinagbabawal na gamot kundi maging sa Naga City at sa buong Rinconada District.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *