CAMARINES NORTE- Apektado na rin ng COVID- 19 pandemic ang nagpapatuloy na registration ng National ID.
Yan ay sa gitna pa rin ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga naitatalang kaso ng sakit ayon sa daily updates ng Department of Health.
Batay kasi na naunang schedule magsisimula na dapat sa Mayo ang registration proper ng National ID sa lalawigan ng Camarines Norte.
Pero ayon kay Chief Statistical Specialist Maria Dulce Padayao ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa lalawigan, hindi pa nila masabi sa ngayon kung kailan magsisimula ang registration proper.
Ito ay dahil sa ang mga gagamiting registration kit ay magmumula pa sa Camarines Sur at hihintayin pang matapos doon ang registration.
Mayroon umanong mga registration centers sa Camarines Sur at Albay na sinusupinde ng mga LGU’s ang operation dahil may na expose o posibleng na expose sa mga taong nagkaroon ng COVID.
Dito naman sa Camarines Norte ay pinalawig mula April 6 hanggang April 30 ang step 1 registration na magtatapos sana noong March 30.
Lumagpas naman ang PSA ng nasa 119.23% ng mga na pre- registered matapos makapagtala ng nasa 112, 668 individuals hanggang noong March 30 mula sa provincial target na 94, 500.
Nagpapasalamat naman ang PSA dahil sa awa umano ng Diyos ay wala namang nagkakasakit at tinamaan ng COVID- 19 sa kanilang mga enumerators.