Naniniwala si Antipolo City Second District Representative Romeo Acop na magiging mas matagumpay pa ang kampanya ng administrasyong Marcos laban sa ilegal na droga.
Ito’y matapos iulat ng Philippine Drug Enforcement Agency na bumaba ng 52 percent ang bilang ng mga napapatay sa anti-illegal drug operations ng gobyerno.

Ayon kay Acop, sa mga nakalipas na taon ay naging subject ang bansa ng mga kaso ng pang-aabuso sa karapatang pantao kaya “welcome development” ang muling paglulunsad ng kampanya kontra droga sa hindi marahas na paraan.
Kaugnay nito, inatasan ni House Speaker Martin Romualdez si Acop na tulungan ang House Committee on Public Order and Safety sa pagsasagawa ng public hearings na may kinalaman sa isyu ng droga.
Paliwanag ng kongresista, kailangang bumuo ng mga panukala na magpapabuti sa kakayahan ng Philippine National Police at counterparts nito upang epektibong makamit ang “zero casualty” sa bawat operasyon.
Umaasa naman si Acop kung hindi man tuluyang masawata ay mabawasan ang problema sa droga sa pamamagitan ng paghabol sa mga drug lord.
Mababatid na sa datos ng PDEA ay labingsiyam lamang ang namatay sa anti-illegal drug operations mula July 2022 hanggang Setyembre ngayong taon na mas mababa kumpara sa apatnapung kaso sa kaparehong panahon noong 2020 hanggang 2021.