Ipinaalala ni House Majority Leader Mannix Dalipe kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kung paano umano sinalba ng Kongreso ang gobyerno nang pumutok ang COVID-19 noong taong 2020.
Tugon ito ni Dalipe matapos batikusin ni Duterte ang Kamara kasunod ng pagtanggal sa confidential funds ng Office of the Vice President at apat pang ahensya ng pamahalaan.
Ayon sa House leader, ikinalungkot niya ang mga tirada ng dating pangulo sa kabila ng todong suporta ng mga miyembro ng 18th Congress upang maisakatuparan ang legislative agenda pati na sa panahon ng pandemya.
Tumalima aniya ang Mababang Kapulungan sa mga hiling ni Duterte at hindi siya iniwan gaya ng pagtitiyak ng sapat na budget para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic at pamamahagi ng ayuda.
Ibinahagi ni Dalipe ang dalawang COVID-19 response measures na ipinasa ng Kamara partikular ang Bayanihan to Heal as One Act at Bayanihan to Recover as One Act.
Ipinagtataka ng kongresista kung bakit nagbago ang tingin ni Duterte sa mga mambabatas gayong hindi umano masama ang ginawang paglilipat ng confidential funds para sa Armed Forces of the Philippines at intelligence agencies upang protektahan ang West Philippine Sea.
Sa katunayan, personal pang nagtungo ang liderato ng Kamara sa Pag-asa Island upang malaman kung totoo umanong kailangan ng suporta ng uniformed personnel, intelligence community at iba pang ahensyang may kinalaman sa intelligence gathering.