Rep. Pulong Duterte kay Rep. Castro – ‘ITIGIL NA ANG KADRAMAHAN!’

Nagpatutsada si Davao City Representative Paolo Duterte sa mga kritiko ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong sampahan ng kasong kriminal ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro.

Sa isang statement, sinabi ni Congressman Duterte na may karapatan ang sinuman na magsampa ng kaso laban sa isang indibidwal sa korte.

Ngunit hindi aniya dapat maging balat-sibuyas ang mga lingkod-bayan at hindi dapat gamitin ang “karapatan” upang patahimikin ang kritiko.

Kung tutuusin ay mas masakit pa umano ang natatanggap na pambabatikos ng dating pangulo sa nakaraan ngunit hindi naman nagsampa ng kaso laban sa sinuman.

Giit ni Duterte, kung may nasabi man ang kanyang ama na ikinatakot ni Castro ay dapat nitong linisin ang pangalan sa halip na nagtatago sa likod ng sinasabing karapatan.

Dagdag pa ng dating presidential son, bilang kongresista ay marami umano siyang alam patungkol sa tinawag nitong makakaliwang party-list representatives.

Sa huli, bumuwelta si Duterte na dapat nang tigilan ang ka-dramahan at paggamit sa media.

Mababatid na kinasuhan ni Castro si dating Pangulong Duterte sa Quezon City Prosecutor’s Office para sa grave threats at paglabag sa Anti-Cybercrime Law matapos umanong pagbantaan ang kanyang buhay sa isang programa sa telebisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *