Nagkainitan sina Marikina City Representative Stella Quimbo at ACT Teachers Party-list Representative France Castro matapos maungkat sa plenary deliberations para sa 2024 General Appropriations Bill ang isyu sa paggamit ng confidential at intelligence funds.

Iginiit kasi ni Castro na ilegal ang ginawang paglipat ng 125 million pesos sa Office of the Vice President sa ilalim ng 2022 National Budget dahil wala umano ito sa line item at hindi “expressly provided” kaya hindi entitled sa pondo.
Depensa ni Quimbo na siyang tumatayong sponsor, may congressional approval ang contingent fund na itinuturing ding special purpose fund kung saan pinahihintulutan ang mga proyekto, aktibidad at programa na “urgent” at bago.
Maliwanag aniya sa naging desisyon ng Korte Suprema sa Belgica vs Ochoa case na valid na line item appropriation ang contingent fund at maaaring hilingin ng ahensya sa DBM na aaprubahan naman ng pangulo.
Paliwanag pa ni Quimbo, nakapaloob sa 2022 General Appropriations Act na may line item ang OVP partikular ang good governance at social services projects samantalang ang confidential expenses nito ay nakapaloob sa object of expenditure.
Bago ito ay napikon si Quimbo kay Castro dahil tila hindi umano ito nakikinig at nalilito sa ‘nature’ ng contingent fund na batay sa special provision ay hindi nililimitahan ang authorization sa paggamit nito.
Sa rejoinder naman ni House Deputy Speaker Isidro Ungab, nilinaw nito na dumaan sa tamang proseso ang 125 million pesos na inilipat sa OVP dahil hindi naman ito augmentation o nagmula sa savings kundi isang ‘new appropriation’.