Residente malapit sa SIOC sa Daraga, Albay, hindi umano ‘satisfied’ sa brgy. officials tungkol sa pagtugon sa problema sa langaw

LEGAZPI CITY – Binigyag-diin ng isang residente mula sa Brgy. San Ramon, bayan ng Daraga, Albay na hindi siya satisfied sa anumang mga hakbang na isinasagawa ng barangay officials tungkol sa pagtugon sa problema sa langaw na mula sa isang manukan sa Brgy. Mayon.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Bro. Leo Montales mula sa San Ramon, sinabi nito na sila na mismo ang nagkaroon ng inisyatibo dahil hindi nila ramdam ang ‘efforts’ ng mga barangay officials ng dalawang nasabing barangay.

Ayon sa kanya, legal naman ang isinagawa nilang mga hakbang at sumusunod sila sa tamang proseso.

Nito lamang Sabado ay nagkaroon ng pagpoprotesta sa harap ng nasabing korporasyon, at noong araw ding iyon sa harap mismo ng mga tao, tiniyak ni Mayor Awin Baldo na iisyuhan ang korporasyon ng cease and desist order upang pansamantalang itigil ang operasyon nito.

Subalit, hindi pa rito aniya nagtatapos ang lahat, sapagkat magre-request umano sila na pahintulutan silang pumasok sa loob ng korporasyon upang mag-inspeksyon at alamin kung talagang itinigil ang operasyon.

Dagdag pa ni Montales, inaasahan niyang tutulong ang mga brangay officials, dahil kung hindi, sila rin ay magrereklamo laban sa mga ito at lalapit na mismo sila sa Department of Local Government (DILG).

Diin pa niya, total naman ay trabaho nilang lahat ito kaya’t umaasa silang kikilos din ang mga ito.

Kung matatandaan, si Montales ang siyang uploader ng mga kuhang larawan at videos sa social media na nagpapakita ng sitwasyon sa kanilang barangay, kung saan umabot na sa puntong naglagay sila ng kulambo sa bahay upang magkaroon ng proteksyon laban sa mga langaw.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *