Resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal naging matagumpay sa kabila ng pagbabantay ng China Coastguard vessel

Naging matagumpay ang resupply mission sa mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea noong araw ng Sabado.

Ito ay sa kabila ng pagbabantay na ginawa ng China Coastguard vessel na may bow number 5205 na sinamahan ng ilang Chinese militia vessels.

Lumalabas na ang China Coastguard vessel ay parehong barko na puwersahang kumuha ng rocket debris mula sa isang Philippine Navy vessel sa Pagasa Island noong November 20.

Sinabi ni Vice Adm. Alberto Carlos, commander ng Western Command (WESCOM), nag radio challenge ang mga tauhan ng China Coastguard sa civilian supply boat na kinontrata ng WESCOM. Ayon kay Carlos, sinabi ng CCG vessel na ang dagat na binabaybay ng supply boat ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng People’s Republic of China.

Binalaan din ng Chinese vessel ang supply boat sa pagdadala ng construction materials sa Ayungin Shoal.

Pagkatapos ng radio challenge, lumapit ang barko at nagsagawa ng maniobra upang guluhin ang misyon.

Sinabi ni Carlos na mahalagang mapanatili ng WESCOM ang posisyon ng bansa sa Ayungin Shoal dahil ito ang pinakamalapit na outpost ng Pilipinas malapit sa military garrison ng China sa Panganiban Reef o Mischief Reef na matatagpuan sa 250 km kanluran ng Palawan.//CA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *