Pinawi ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ang pangamba ng ilan na magkakaroon ng epekto sa Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF ang panukalang pagpapababa sa taripa sa inaangkat na bigas.

Ayon kay Salceda, hindi makokompromiso ang implementasyon ng RCEF dahil nakolekta na ang sampung bilyong pisong halaga ng taripa na inilalaan para rito.
Mas makabubuti aniya na ipaubaya kay Pangulong Bongbong Marcos ang pagbabago sa tariff rates ngayong malapit na ang adjournment ng Kongreso.
Paliwanag ng kongresista, kung ibababa sa sampung porsyento ang taripa mula sa kasalukuyang 35 percent ay posibleng magresulta ito ng anim na pisong bawas sa presyo ng kada kilo ng bigas.
Inirekomenda naman ni Salceda na dapat sabayan ang tariff reduction sa bigas ng pagpapalakas sa pagbili ng National Food Authority ng palay upang hindi bumagsak ang farmgate price ng lokal na bigas.