Suportado ni House Speaker Martin Romualdez ang pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos na itutuloy pa rin ang implementasyon ng Maharlika Investment Fund bago matapos ang taon.
Ayon kay Romualdez, ang pagsisikap ng pangulo na paigtingin ang organisasyon ng MIF ay nagpapatunay ng commitment ng administrasyon sa transparency, accountability at responsableng fiscal management.
Bagama’t malaki ang potensyal ng MIF, kailangan aniyang tiyakin na tatalima ito at ang investments sa mahigpit na regulasyon, mapoprotektahan ang pambansang seguridad at nakahanay sa pagtataguyod ng mabuting pamamahala.
Binigyang-diin din ni Romualdez na layon ng MIF na suportahan ang long-term economic development goals, infrastructure at pagkakaloob ng oportunidad sa kaunlaran.
Makahihikayat umano ang sovereign wealth fund ng kapital mula sa domestic at global equity investors para sa “emerging markets” na tulad ng Pilipinas.
Una nang sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na inaasahang mapapabilis ng MIF ang implementasyon ng 197 Flagship Infrastructure Projects na nagkakahalaga ng 153 billion US Dollars.