Mariing itinanggi ni House Speaker Martin Romualdez na may halong pulitika ang pag-realign ng Kongreso sa hirit na confidential funds ng civil agencies kabilang ang Office of the Vice President sa ilalim ng 2024 proposed national budget.

Sa isang press conference, sinagot ni Romualdez ang tanong kung “strategic chess play” o pamumulitika ba ang pagtanggal sa confidential at intelligence funds ng OVP at Department of Education bilang paghahanda sa 2028 national elections.
Puro espekulasyon aniya ito at tila sumobra ang interpretasyon sa hakbang ng Kamara dahil kung tutuusin ay nagpasya lamang sila na makabubuting i-realign ang CIF sa mga ahensyang nakatutok sa national security at sa West Philippine Sea.
Iginiit ni Romualdez na nire-review din nila ang confidential funds ng ibang ahensya upang ilipat sa prayoridad na mabigyan tulad ng Department of National Defense, National Security Agency, National Intelligence Coordinating Agency o sa Philippine Coast Guard.
Paliwanag ng House Speaker, mismong si Vice President Sara Duterte na ang nagsabing kayang mabuhay ng kanyang tanggapan nang walang confidential funds at ipinauubaya nito sa Kongreso ang pagdedesisyon.
Paglilinaw pa ni Romualdez, sang-ayon sila sa confidential funds at sa kapayapaan tulad ng binabanggit ni VP Sara sa isang talumpati gayundin ang paggamit ng alokasyon para sa seguridad.
Handa naman umano ang liderato na makipag-ugnayan sa OVP at sa DepEd sakaling may mga suhestyon o hiling ito dahil bukas pa naman ang budget process sa pamamagitan ng binuong small committee.