Pinuri ni House Speaker Martin Romualdez si Pangulong Bongbong Marcos matapos lagdaan ang executive order na nagpapalawig ng dalawang taon sa ipinatutupad na moratorium sa pagbabayad ng utang ng agrarian reform beneficiaries na hindi sakop ng New Agrarian Emancipation Act.

Ayon kay Romualdez, ang extension ng moratorium sa pagbabayad ng amortization at principal ay nagpapakita ng commitment ng administrasyong Marcos na unahin ang kapakanan ng agricultural sector.
Ikinalugod din nito ang mabilis na pagbuo ng Implementing Rules and Regulations ng batas na natapos labinlimang araw bago ang deadline.
Mahalagang hakbang aniya ang maagang pagsusumite ng Department of Agrarian Reform sa IRR upang iangat ang buhay ng mga magsasaka, buhayin ang agrikultura at gawing mura ang pagkain para sa bawat pamilya.
Inaasahang makikinabang sa 2-year extension ang 129,059 ARBs na nagsasaka ng nasa mahigit 158,000 hectares ng lupain na hindi nakapasok sa cut-off period noong July 24 para mapasama sa debt condonation sa ilalim ng Republic Act 11953.
Idinagdag pa ni Romualdez na kailangang mabigyan ng access sa credit, teknolohiya, kagamitan, inputs at iba pang support services ang mga magsasaka.
Bagama’t nakalaya na sa pagkakautang ay maaaring mabaon umano muli sa utang ang mga benepisiyaryo kung hindi makatatanggap ng sapat na tulong para sa pagtatanim.