Bilang na umano ang araw ng mga smuggler, hoarder at sangkot sa cartel ng agricultural products matapos maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang Anti Agri-Fishery Commodities and Tobacco Economic Sabotage Act.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, sa sandaling maisabatas ito ay gagamitin nila ang mga probisyon upang panagutin ang mga nagpapahirap sa mamamayan.
Susuportahan aniya ng panukala ang isinusulong ni Pangulong Bongbong Marcos na gawing abot-kaya ang mga produkto at makamit ang self-sufficiency sa pagkain.
Ipinunto rin ni Romualdez na nananatili ang commitment ng Mababang Kapulungan na tumulong para maisakatuparan ang mga inisyatiba ng pangulo bilang concurrent secretary ng Department of Agriculture.
Sa ilalim ng House Bill Number 9284, ituturing na bilang krimen at economic sabotage ang smuggling ng bigas at iba pang agricultural products.
Kasama rito ang pagpupuslit ng tabako, hoarding, profiteering, pagkakasangkot sa cartel at iba pang ilegal na aktibidad.