Sabay-sabay na naaresto ang tatlong indibdiwal sa magkahiwalay na lugar sa Sorsogon na pare-parehong may kinakaharap na kasong rape at sexual abuse.
Unang naaresto sa bayan ng Pto Diaz si Ramon Aldon Doroliat Jr., 27-anyos, may kinakasama, laborer at residente ng Purok 6, Brgy Diamante ng nasabing bayan. Nahaharap ito sa kasong sexual abuse na may relasyon sa RA 7610 o Child Abuse at pinatawan ng korte ng piyansang nagkakahalaga ng P180K.
Si Doroliat Jr. ay itinuturing din na rank No. 2 most wanted person ng Pto Diaz MPS.
Sa bayan ng Bulan ay unang naaresto ang rank No. 4 most wanted person ng Bulan MPS na si Jiru Lee Francisco Hatchazo, 28-anyos, binata at naninirahan sa Brgy Quezon ng nasabing bayan.
Nahaharap din ito sa kasong 2 counts of sexual abuse na may relasyon sa RA 7610 o child abuse at may ipinataw na piyansang P160K bawat kaso.
Hapon, nang maaresto naman sa Purok 1, Brgy Benigno Aquino ng parehong bayan si Reymond Tatlong Hari De Guzman, 26-anyos, binata at walang trabaho.
Nahaharap ito sa kasong rape na may relasyon sa RA 7610 o child abuse na walang inirekomendang piyansa.
Ang tatlong akusado ay iniharap na sa kani-kanilang court of origin at kasalukuyang nasa kustudiya ng himpilan ng Pulisya.
