Sa sunod-sunod na pagkakumpiska ng sako-sakong Ammonium Nitrate sa Masbate; “may Padrino,’’ ayon sa isang opisyal ng Provincial LGU

SORSOGON CITY – Naniniwala ang isang opisyal ng Pamahalaang  Probinsyal ng Masbate na may ‘padrino’ o maimpluwensya ang mastermind na nasa likod ng sunod-sunod na pagkakumpiska ng sako-sakong ammonium nitrate sa nasabing lalawigan.

Paliwanag nito, ang unang nakumpiska na 101 sakong ammonium nitrate sa bayan ng Placer ay nagkakahalag umano ng P600, 000.00 o puwedeng triple pa ang presyo lalo na kung gagamitin sa pagpinsala sa kapaligiran o gagamitin sa terorismo at pananakot.

Una rito, nakumpiska ng Masbate Maritime Police ang 101 sakong ammonium nitrate noong Hunyo 3 sa Sitio Bitlig, Brgy Daraga sa bayan ng Placer Masbate habang nasamsam naman ng Milagros Police ang 5 sako ng parehong kemikal kamakailan lang sa pantalan ng Milagros, Masbate.

Sa pagkakataong ito ay nadakip ang mga suspek na sina Nilo Cabataṅa Mandaue, 51-anyos, may asawa negosyante at naninirahan sa Guilotongan, Cawayan, Masbate at kasama nitong si Joel Magallanes Pacheco, 43-anyos na residente ng Poblacion East, Milagros, Masbate.

Samantala, nananatiling ‘at large’ pa rin ang nakatakas na mga suspek na nasamsaman ng 101 sakong kemikal sa bayan ng Placer.

Nakilala ang mga ito na sina Jesus Huyo Casinillo, residente ng Brgy Burabod at Onel Alburo, residente ng Brgy Katipunan ng parehong bayan.

Nahaharap na ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 9516 o illegal possession of explosives sa pamamagitan ng ‘regular filing in court.’

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *