Saging sa isang artwork na nagkakahalagang $120,000 sa museo sa South Korea, kinain ng isang art student

Likas sa atin ang kumain kung tayo ay nagugutom. Ngunit, paano na lamang kung hindi mo na talaga ito matiis at makakita ka ng pagkain sa iyong harapan?

Kamakilan kasi, isang art student na nagngangalang Noh Hyun Soon sa South Korea ang hindi nakapagpigil ng gutom at kinain ang saging na nakadikit sa pader mula sa isang art installation ng isang sikat na Italian visual artist na si Maurizio Cattelan na nakaexhibit sa Leeum Museum of Art.

Ang naturang artwork ay may pamagat na “Comedian” kung sa’n isang saging ang nakadikit sa pamamagitan ng duct tape at nagkakahalaga ito ng $120, 000 dollars o katumbas lang naman ng aabot sa 7 milyong piso. 

Pagkatapos kainin ito ay tanging ang balat ng saging na lamang ang ibinalik ng mag-aaral at agad naman itong ipinaabot ng staff sa may ari ng art work.

Hindi naman nagalit ang may ari at sinabing wala namang problema ‘pagkat pinapalitan lang naman pala ang saging kada ika-dalawa at ika-tatlong araw matapos na idikit ito.

Wala rin naman umanong natanggap na parusa si Noh Hyun Soon at agaran din namang napalitan ang saging sa artwork. |WENCY LISAY

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *