Sandamakmak na langaw, nagpapahirap sa mga residente ng Barangay Del Rosario, sa Pilar, Sorsogon; sanitary inspector wala pa umanong natatanggap na reklamo?

SORSOGON CITY – Wala pang nakakaabot na reklamo sa amin. Ito ang binigyang diin ni Pilar MHO-Sanitation Inspector III David Mandrilla Jr. sa harap ng reklamo ng mga taga Purok 6 Barangay Del Rosario sa bayan ng Pilar sa sandamakmak na langaw na dulot ng manukan sa nasabing lugar.

Sa panayam ng Brigada News FM, pinanindigan ni Mandrilla na bagama’t maaari naman nila itong inspeksyunin ay hindi pa umano nila ito nagagawa sa dahilang wala pang nakakaabot na reklamo sa kanilang tanggapan hinggil dito.

Bukod pa rito ay kailangan din umano nila ng mga ebidensya upang maberipika at mapatunayan na talagang totoo ang naturang reklamo upang maisyuhan sila ng travel authority at mabisita ang nasabing lugar.

Una rito, ilang residente ng nasabing barangay ang nagpaabot ng reklamo sa official facebook page  ng Brigada News FM Sorsogon kaugnay ng nasabing problema kung saan nagpadala pa ang mga ito ng mga video at larawan bilang patunay  sa pamemerwisyo ng mga langaw kung saan halos hindi na umano sila makakain ng maayos.

Samantala, sa pakikipag-ugnayan ng Brigada News FM sa kapitan ng Barangay, kinumpirma nito na nagkausap na sila ng sanidad para sa posibleng aksyon sa mga nasabing reklamo.#

Leave a Reply

Your email address will not be published.