Sanggol, nailigtas mula sa sinapupunan ng inang nasawi sa kagat ng ahas sa Quirino Province

Mapalad na naisalba ang isang sanggol na agaw buhay matapos masawi ang ina nito dahil sa lason mula sa kagat ng makamandag na ahas sa Diffun, Quirino Province.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Dr. Moises Lazaro, ang Hepe ng Diffun District Hospital, wala na umanong naramdamang pulso o vital signs ang kanilang staff nang dalhin sa kanilang pagamutan ang ina ng sanggol.

Kinilala ang naturang ina na si Jovelinda Lapurga, 36-anyos at residente ng Gulac, Diffun, Quirino.

Aniya, napansin nitong nagkaroon ng contraction ang ginang na tinatayang 36 weeks na ang ipinagbubuntis kaya’t kaagad na niyang pinahanda ang operating room at isinagawa ang post mortem ceasarean.

Salaysay pa ni Dr. Lazaro, nang mailabas ang sanggol ay wala na rin umanong maramdamang pulso at namumutla subalit makikitang may ‘pinkish’ pa ang kulay ng bata.

Sinubukan aniya nila itong i-revive ng ilang segundo hanggang sa nagkaroon na ito ng heartbeat.

Binigyan naman nila ang bata ng newborn care at inilipat sa neonatal intensive care unit ng Quirino Province Medical Center (QPMC).

Batay umano sa pahayag ng hipag ni Mrs. Lapurga, nagtungo ito sa ilog kung saan doon ay natuklaw ng cobra sa kaniyang balikat.

Tinalian pa umano malapit sa bahagi ng nakagat na balikat bilang paunang lunas subalit binawian din ng buhay.

Samantala, napag-alaman din nila Dr. Lazaro na sa ngayon ay binibigyan ng gatas ang sanggol ng mga nanganak din na ina sa QPMC at nasa maayos namang kalagayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *