Seguridad sa mga araw ng Rahugan Festival pinatitiyak sa PNP

CAMARINES NORTE- Pinatitiyak sa Philippine National Police ang seguridad sa mga araw ng Rahugan Festival na magsisimula bukas, October 18.

Sa isinagawang Flag Raising Ceremony kaninang umaga inatasan ni Basud, Camarines Norte Mayor Adrian Davoco ang pamunuan ng PNP na mag deploy ng mga tauhan sa buong panahon ng selebrasyon.

Aniya, ito ang unang pagkakataon na magdiriwang ulit ng Rahugan Festival sa naturang bayan makalipas ang dalawang taon dahil sa COVID- 19 pandemic.

Inaasahan umano ng Alkalde na palaging nakaalerto ang PNP sa lahat ng mga aktibidad.

Bukas ang Grand Opening ng Festival na inaasahang dadagsain ng napakaraming tao dahil ang unang aktibidad pagkatapos ng opening program ay ang DLC Competition para  sa secondary level at presentation ng Ms. Basud candidates.

Nagpasalamat naman ang Alkalde sa lahat ng chairman ng iba’t- ibang komitiba dahil sa mga ginawang paghahanda.

Ang Basud ay nasa ilalim na ngayon ng Alert Level 1 makaraang maabot na ang herd immunity sa COVID- 19 vaccination.

Umaabot sa 95. 4 percent na ng 30, 543 target population sa naturang bayan ang nabakunahan kontra COVID- 19.

Nasa 2, 942 naman na mga senior citizen ang nabakunahan sa target na 3, 288 o 89. 5  percent.

Batay sa panuntunan ng gobyerno kailangang maabot ang herd immunity o 80 percent ng target population at 80 percent din sa senior citizen ang nabakunahan para maisailalim ang isang lugar sa pinakamababang Alert Level kung saan pinapayagan na ang mga mass gathering.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *