Sektor ng PWDs umaasahang maipapasa ang Early Voting Bill sa lalong madaling panahon

CAMARINES NORTE- Umaasa ang sektor ng Persons with disabilities (PWDs) na agarang maisabatas ang Senate Bill No 2216 o ang Early Voting Bill bago magdaos ng eleksyon sa susunod na taon.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Prof. Rex Bernardo, Persons with Disability Affairs Officer ng Camarines Norte na makakatulong ang naturang panukalang batas upang magkaroon ng mas malawak na partisipasyon sa halalan ang vulnerable sector.

Sa ngayon daw kasi ay ang accessible polling precinct pa lang ang ino- offer ng Commission on Elections (Comelec) pero hindi talaga ganap na naipapatupad partikular dito sa lalawigan.

“Ang sabi ng Comelec logistically kokonte lang naman daw ang may kapansanan sa iisang lugar hindi daw parang realistic na mag set -up sila ng separate polling precinct intended sa may kapansanan since konte lang naman,” ani Benardo.

Nitong linggo lang ay inendorso ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation ang panukalang maagang pagboto ng mga may kapansanan, senior citizen, indigenous people at mga buntis.

Sa ilalim ng panukalang batas ay inaatasan ang Comelec na magtakda ng petsa para sa registration ng early voters.

Inaatasan din ng panukala ang poll body na magtakda ng petsa para sa maagang pagboto na dapat ay sa loob ng 30 araw o hindi bababa sa dalawa bago ang mismong 2022 elections.

Pinatitiyak din na ang lugar ng botohan ay nasa ground floor o madaling puntahan ng mga nakatatanda, PWDs at buntis at dapat ay mayroon ding available na pampublikong transportasyon.

Maliban dito dapat ay mayroon ding mga wheelchair, bentilasyon, may mga aalalay at sign language interpreters.

Sa ngayon ayon kay Bernardo ay ang nais ng kanilang sektor ay magkaroon ng alternatibong pamamaraan ng pagboto tulad aniya ng ginagawa sa ibang bansa.

(photo courtesy: PDAO-CN)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *