Selebrasyon ng Diocesan Youth Day sa May 1, ipinagpaliban dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID- 19 sa Camarines Norte

CAMARINES NORTE- Nagdesisyon ang simbahan sa lalawigan ng Camarines Norte na ipagpaliban ang selebrasyon ng Diocesan Youth Day (DYD) sa May 1, dahil sa banta ng COVID- 19

Sa isang pahayag na naka post sa facebook page na Aki ni San Jose, inihayag ni Father Mandi Orido, Deputy Youth Director ng Diocese of Daet na dahil sa biglaang pagtaas ng mga kaso ng COVID- 19 sa lalawigan, ay nagdesisyon ang komisyon na i- postpone ang selebrasyon sa binanggit na petsa.

Gayunman, nilinaw ni Fr. Orido na hindi kinakansela ang DYD sa halip ay ililipat lamang sa petsa kung kailan ligtas ang pagsasagawa ng naturang event.

Ang DYD ay gaganapin sana sa Parish of St. John the Apostle and Evangelist sa bayan ng Labo.

Ipinaalam na umano sa host parish ang pagpapaliban sa naturang event para sa mga kabataan at handa pa rin naman daw itong mag host sa ibang petsa.

Humingi naman ng pang- unawa ang Youth Commission sa desisyong ipagpaliban ang event at binigyang diin na ang kaligtasan ng bawat isa ang kanilang isinasaalang- alang.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH) sumampa na sa 273 ang kabuuang kaso ng COVID- 19  sa lalawigan ng Camarines Norte.

Yan ay matapos na maitala kahapon ang “single day high” sa lalawigan na 45 bagong kaso, ang pinakamataas mula nang magkaroon ng pandemya.

Dahil dito umakyat na sa 83 ang aktibong kaso at 13 na rin  ang namatay matapos na madagdagan ng isa kahapon.

Nadagdagan naman ng 5 ang nakakarekober kaya’t nasa 177 na ang total recoveries.

Leave a Reply

Your email address will not be published.