Sen. Gatchalian, ipauubaya na gobyerno kung kukuhain ba si suspended Mayor Guo bilang ‘star witness’

Tiwala si Senate Committee on Ways and Means, Chairperson, Senador Win Gatchalian na kilala ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang mga taong nasa likod ng iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.

Anya, maliwanag naman itong makikita sa mga dokumentong kanilang nakalap sa Bamban kung saan makikitang partner nito ang ilang sindikatong nakulong na o pinaghahanap na sa ibang bansa dahil sa krimen.

Dagdag pa niya, natuklasan din nilang nasa bilyu-bilyong piso ang natatanggap ni Guo mula sa iba’t ibang sources na nag-ooperate ng POGO.

Samantala, sa kaso naman ng Porac, may ebidensya rin umanong nag-leak na konektado ang alkalde rito.

Alinsunod nito, bagamat tiwala ang senador na maraming alam si Guo hinggil dito bilang siya ang nagbukas ng pinto ay ipapaubaya umano niya sa abogado ng gobyerno ang pagdedesisyon sa pagkuha sa alkalde bilang ‘star witness’ sa kaso.

Anya, marapat lang na ito ang magdesisyon hinggil dito dahil sa mga technical at legal aspect na dapat ikonsidera Lalo na’t mayroong patung-patong na kasong kinahaharap si Guo tulad ng human trafficking at posibleng paghahain ng quo warranto case at tax evasion case laban sa kanya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *