Naniniwala si Senate President Juan Miguel Zubiri na importanteng matayuan ng gobyerno ng mga marine research stations ang mga coastal area malapit sa West Philippine Sea at Benham Rise.

Ito ay upang mas mapaigting ang pagsasaliksik sa mga marine environment ng bansa.
Maliban pa roon, ayon kay Zubiri, makatutulong din ito sa mga scientist at mangingisda na protektahan ang ating mga yamang dagat.
Kaugnay nito, makatatanggap ng karagdagang pondo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) katulad ng ilang ahensya ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa darating na taon.
Ito naman ay ikinatuwa ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga dahil malaki umano ang maitutulong ng ilalaang P600 milyon sa kanila upang mapaunlad ang scientific at technical knowledge ukol sa nasasakupan ng bansa.
Maliban pa roon, umaasa rin ang senador na magagamit ito ng ahensya sa pagresolba ng mga isyu sa reklamasyon hindi lang sa Manila Bay pero maging sa iba pang reclamation site.