Senado, nagpasalamat sa US para sa pagsasaoli ng Balangiga Bells

Pinasalamatan ng Senado ang Estados Unidos dahil sa pagsasaoli nito ng Balangiga bells matapos ang mahigit isang siglo mula nang kunin ng mga sundalong Amerikano ang tatlong kampana mula sa bayan ng Balangiga sa Eastern Samar.

Inadopt ng kapulongan ang Senate Resolution No. 653, kung saan ay inihahayag nito ang labis na pasasalamat ng Senado sa US at kumikilala sa “gargantuan efforts” ng mga nag-facilitate sa pagsasaoli ng mga kampana.

Ito ay matapos hilingin ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng mga nakalipas na administrasyon ang pagsasaoli sa Pilipinas ng mga kampana na ayon sa resolusyon ay may historical at cultural significance, hindi lamang sa mga mamamayan ng Balangiga, kungdi pati na rin sa buong bansa.

Matatandaan na naisaoli ang Balangiga Bells sa Pilipinas noong December 11, 2018, o 117 years matapos itong kunin ng mga Amerikanong sundalo bilang war trophies noong 1901 na panahon ng Philippine-American war.

Kinilala rin ng Senado ang papel ni dating Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle, at ng tatlong retiradong US Navy Officers na tinawag bilang “tres marineros” na sina Rear Admiral Daniel McKinnon, Jr., Captain Dennis Wright, at Captain Brian Buzzell.

Pinangunahan ng tatlong retiradong Navy officers ang inisyatibo at nagbigay sa Department of Defense, Veterans Service Organizations (VSOs) at sa Kongreso ng Estados Unidos ng accurate na impormasyon kaugnay sa batas at kasaysayan na may kinalaman sa presensya ng mga kampana sa Wyoming at South Korea.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *