Senado nais paimbestigahan ang umano’y ‘excessive’ port fees

Nais ni Senator Risa Hontiveros na paimbestigahan sa Senado ang administrative orders ng Philippine Ports Authority na sinasabing nagdulot ng sobrang pagtaas sa port fees.

Sa Senate Resolution 484 ni Hontiveros, binigyang diin nito na ang pagtaas sa shipping at logistics costs, na naipasa sa publiko ay makakaapekto sa presyo ng mga produkto na dumadaan sa naturang mga ports.

Sa naturang panukala, binanggit ng mambabatas ang ilang administrative orders na may kinalaman sa pagbibigay ng kontrata sa  mga bidders ng port terminal management na may pinakamataas na concession price; pagpapatupad sa “Central Ticketing System”; pagpapataas sa garbage collection fees; at pagbuo ng mga mekanismo para sa registration at monitoring ng mga containers na pumapasok at lumalabas sa mga ports.

Sa gitna nito, binanggit pa ng senadora ang pahayag mula sa Philippine Coastwise Shipping Association (PCSA), na nagsasabing ang administrative orders ay nagdulot sa pagtaas ng port charges sa Pilipinas ng hanggang 2,000%, na dahilan para tumaas ang domestic logistics costs na sinasalo ng publiko.

Sinasabi rin sa resolusyon na hiniling ng PCSA sa Department of Transportation na i-review ang paggawad ng port terminal management contracts, na nagresulya sa umano’y increase ng port charges sa mga key ports gaya sa mga lugar ng Ozamiz, Ormoc, Zamboanga, Tagbilaran, Surigao, Tacloban, Legazpi, Calapan, at sa mga bayan ng Nasipit at Matnog.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *