Iimbestigahan ng Senate public services committee ang nakatakdang pag-phaseout sa traditional jeepneys, isang hakbang ng mga senador sa pag-asang mapigilan ang planong seven-day transport strike sa susunod na linggo.
Kaugnay nito, unanimous din na inaprubahan ng kapulungan ang resolusyon na inihain ni committee chairperson Sen. Grace Poe, na naghihimok sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipagpaliban ang June 30 deadline para sa mga drivers at operators na makiisa sa cooperative o uri ng korporasyon bilang bahagi ng public utility vehicle modernization program ng gobyerno.
Iminungkahi naman ni Sen. Francis Escudero na na kailangan munang ireview ang phase-out policy, time table, financial package at subsidiya at tulong para sa mga apektadong drivers at operators.
Samantala, sinabi ni Poe na inaasahan niyang dadalo si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa pagdinig at personal na makakausap ang iba’t-ibang transport groups sa lalong madaling panahon at malaman ang kanilang mga hinaing.
Pabor naman dito si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri at sinabing ito ay national concern dahil gusto umano nilang mapigilan ang nationwide strike.