Senador Go sa mga nagpapakalat ng fake news, ‘kakarmahin din kayo’

Mariing kinundena ni Senador Bong Go ang mga fake news na pinaghintay nya ang personnel ng Philippine Air Force bago ito dalhin sa ospital para lamang makapag-photo op matapos ang helicopter crash sa Getafe, Bohol noong Martes.

Nagbabala ang senador sa mga nagpapakalat ng nasabing fake news na kakarmahin din ang mga ito dahil di na nga nakatulong at dagdag problema pa sa kapwa Pilipino.

Umapela ang senador sa publiko na manatiling mapagmatyag sa mga maling impormasyon at sa halip ay mag-focus sa pagtulong sa kapwa gaya ng ginagawa nila ni Pangulong Rodrigo Duterte na patuloy ang pag-aksyon para isalba ang bansa sa COVID-19 pandemic.

Una nang nilinaw ni Go na pauwi na sana sya at ang kanyang staff mula Cebu pa Metro Manila nang nagkataong kakarating lang ng ambulansya sakay ang mga biktimang taga Air Force malapit sa kung nasaan sya sa paliparan.

Agad umano syang tumakbo sa mga survivors para iparating na di sila pababayaan ni pangulong Duterte at sinabing sasagutin ang pagpapagamot ng mga ito at magbibigay ng tulong pinansyal sa asawa ng nasawing piloto na si Captain Aurelios Olano.

Pinatotohanan naman ni Colonel Antonio Francisco, chief of command staff ng PAF’s Air Mobility Command ang kwento ni senador Go dahil magkasama sila noong panahong iyon. Mababatid na bumagsak ang PAF helicopter sa kasagsagan ng routine maintenance flight.

Dinala ang rescued PAF personnel sa President Carlos P. Garcia Memorial Hospital sa Talibon, Bohol bago ilipat sa Cebu.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *