Senate Blue Ribbon Committee, tinapos na ang imbestigasyon sa sugar fiasco

Na-terminate na ang ikatlo at huling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa kontroberyal na sugar fiasco.

Kaninang tanghali nang humabol sa pagdinig si Executive Secretary Vic Rodriguez matapos itong ipa-subpoena ng Kumite.

Ayon kay Rodriguez, hindi niya intensyong bastusin ang Senado kaya kaagad na dumalo sa pagdinig ng Senado matapos atasan ni Pangulong Bongbong Marcos.

Dito ay nanindigan siyang hindi galing sa kanyang tanggapan ang go signal para ipasa ang Sugar Order No. 4 na layong mag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal.

Pinabulaanan din nito ang sinabi ni resigned Sugar Regulatory Administration administrator Hermenegildo Serafica na inilutang umano ni Pangulong Bongbong Marcos sa pamamagitan ng isang online meeting noong August 4 ang posibilidad ng pagi-import ng 600,000 metric tons ng asukal.

Depensa ni Rodriguez, walang kahit na ano pa mang amount na binanggit ang Pangulo dahil sa katunayan, kahit nga raw 300,000 metric tons na importation ay hindi nito inaprubahan.

Sinuportahan naman ni SRA board member Aurelio Valderrama ang mga pahayag ni Serafica sa kabila ng pag-deny ni Rodriguez at ng UNIFED.

Dahil dito, pinasu-subpoena ni Senadora Risa Hontiveros ang kopya ng online meeting.

Sa pulong balitaan matapos ang pagdinig, sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee chair Francis Tolentino na inaasahang matatapos na ang kanilang committee report sa Huwebes.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *